03 MARSO 2020- Ayon sa mga Kinauukulan ng Pamahalaan ng Switzerland, may mga naitalagang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa ilang bahagi ng bansa.
Dahil sa pagtataas ng alerto ng World Health Organization sa napakataas na antas (“very high”), layon ng Pasuguan ng Pilipinas sa Switzerland na masusing pangalagaan ang kalusugan ng lahat sa pamamagitan ng mga sumusunod na hakbang:
- Ang Konsulado ng Pilipinas sa Berne ay patuloy na maglilingkod mula 08h00 hanggang 16h00 sa mga Pilipinong naninirahan sa Switzerland na may lubhang kailangan ng serbisyo ukol sa dokumento para sa paglalakbay (“Travel Document”). Kung hindi kailangang dagliang maglakbay, pansamantalang iwasan muna ang pagpunta sa Konsulado lalo na sa susunod na mga araw (i.e., mula ika-5 hanggang ika-13 ng Marso 2020) dahil sa kasalukuyang pagsasaayos at renobasyon ng Konsulado ng Pasuguan;
- Bukod sa mga may edad (“Senior citizens”), menor de edad (minors), may kapansanan (PWDs) na lubhang kinakailangang (emergency cases) pumunta sa Konsulado, tanging mga direktong aplikante lamang ang dapat pumunta at papasukin sa Konsulado ng Pasuguan. Iwasang magsama ng kahit sinong hindi nangangailangan ng serbisyo, lalo na ang mga sanggol, bata, matanda at may kapansanan.
- Bukod sa palagiang paghuhugas ng mga kamay gamit ang tubig at sabon o sa pamamagitan ng alkohol o “hand sanitizer,” at sa pag-ubo o di kaya ay pag-bahing gamit ang tisyu o panyo at ang dagliang pagtatapon nito sa isang silyadong basurahan o sa pag-ubo o pagbahing sa pagitan ng nakatuping braso (“crook of the arm”) kung walang tisyu o panyo, iwasan ang pakikipagkamay at ang tradisyunal na paghalik sa kapwa.
Nanawagan ang Pasuguan muli sa lahat ng Pilipino sa Switzerland at Liechtenstein na labis na mag-ingat at sundin ang mga palatuntunan at regulasyon ng mga Kinauukulan sa Switzerland o sa Liechtenstein sa lahat ng antas, maging Pederal, Kantonal o Komunal man.
Maging alerto sa mga sintomas ng impeksiyon tulad ng pag-ubo, kakulangan o di kaya ay hirap sa paghinga, lagnat, at iba pa. Sa ganitong uri ng sitwasyon ay manatili sa bahay at iwasan ang pakikipag-ugnayan sa mga nasa paligid. Makipag-ugnayan kaagad sa isang doktor sa pamamagitan ng telepono o sumangguni sa Swiss Coronavirus infoline +41 58 463 00 00. Huwag munang pumunta nang diretso sa doktor o sa isang emergency room ng ospital. Kung maaari ay iwasan ang mga malalaking pagtitipon ng mga tao tulad ng mga kaganapan sa palakasan.
Iwasan po natin ang pagkalap ng hindi kumpirmadong impormasyon tungkol sa COVID-19 mula sa social media upang hindi ito maging sanhi ng pagka-alarma. Lagi pong kumunsulta sa mga susunod na natatangging opisyal na websites:
Swiss Federal Office of Public Health – https://www.foph-coronavirus.ch
Principality of Liechtenstein – https://www.llv.li/inhalt/1908/amtsstellen/amt-fur-gesundheit.
Higit sa lahat ay sundin ang rekomendasyon ng World Health Organization at ng mga awtoridad sa Switzerland at Liechtenstein.
Maraming salamat po!