MENU

 

Mga Kababayan,

 

           Una sa lahat, ang Embahada ay nagpapasalamat sa lahat ng mga Filipino overseas voters na bumoto sa katatapos na eleksyon. Gayundin, kami ay nagpapasalamat sa lahat ng dumalo at nanood ng bilangan.

 

            Ang sulat na ito ay isang pagbibigay-liwanag sa mga isyu ng mga Pilipino na hindi nakapanood ng bilangan, lalo na sa integridad ng pagbibilang ng balota at resulta ng eleksyon.

 

              1. Bilang na nakuha ng mga kandidato sa Pangalawang Pangulo (Vice President)

         Ang statistics o bilang na nakuha ng mga kandidato na inilabas ng Embahada ay para sa buong Switzerland at Liechtenstein. Mayroong anim (6) na presinto na itinayo sa Switzerland para magbilang ng boto: dalawa (2) sa Berne at apat (4) sa Geneva. Dagdag dito ang isang presinto para sa Liechtenstein.

          Bagama’t si G. Alan Cayetano ang nakakuha ng pinakamaraming boto sa dalawang presinto sa Berne, si Gng. Leni Robredo naman ang nakakuha ng pinaka maraming boto sa mga presinto sa Geneva.

             Sa kabuuan ng lahat ng presinto ng Berne, Geneva at Liechtenstein, si Gng. Robredo ang nakakuha ng pinaka maraming boto na may kabuuang total na 939

   Ang napanood lang ng mga watchers na nag punta sa Berne ay ang pagbibilang ng mga balota na pumasok lamang sa dalawang presinto sa Berne.

 

    2. Watchers/Observers during the counting

   Gaya ng nasabi na, may mga watchers ng PDP Laban na nag punta sa Embahada, gayun din ang mga miyembro ng Filipino community. Nakita ng lahat ang pagbibilang at naging transparent ang Embahada sa buong proseso ng eleksyon at bilangan.

 

    3. Pagbibgay ng balota sa mga Pilipino

   Walang pinipili ang pamahalaan sa pagbibigay ng balota. Ang pagbibigay ng balota ay depende kung ang Pilipino ay rehistrado bilang isang overseas voter. Ang mga balota ng mga rehistradong overseas voters ay pinadala diretso mula sa COMELEC at hindi mula sa Embahada.

   Kung ang isang Pilipino ay hindi nakatanggap ng balota, maaaring ito ay dahil hindi siya nag parehistro sa Embahada bilang isang overseas voter. Ang mga rehistradong overseas voters na hindi nakatanggap ng balota ay inilagay ng Embahada ang mga pangalan sa facebook ng Embahada upang sila ay makakuha ng balota. Gayundin, ang Embahada ay nagbigay ng mga balota para sa mga rehistradong overseas voters na nagsabi na hindi nila natanggap ang kanilang balota.

 

    4. Impormasyon tungkol sa rehistrasyon para sa eleksyon

    Ang impormasyon tungkol sa rehistrasyon para makaboto sa eleksyon ay makikita sa website at facebook ng Embahada. Ang Embahada ay hindi nagkulang sa mga anunsyo tungkol sa rehistrasyon. Kahit sa mga pagtitipon na dinadaluhan ng mga opisyal ng Embahada, ang mga ito ay laging nagpapaalala tungkol sa pagrerehistro ng mga Pilipino upang makaboto.

 

 

Sa pamamagitan ng liham na ito, sana ay naliwanagan na ang mga may agam-agam tungkol sa bilangan at sa nakaraang eleksyon.

 

Maraming salamat sa mga nakakaunawa at tumulong magpaliwanag sa mga may agam-agam at katanungan.